Miyerkules, Marso 12, 2014

Kongkreto sa gitna ng dagat

James Sebastian Bendijo

Isang malaking tanong kung paano nga ba nakapagtatayo ng kongkretong bahay sa Barangay Pugad kung saan ang lugar ay napapaligiran ng dagat. Malaking katanungan din kung paano mapapanatili ito gayong unti-unting lumulubog ang lugar habang lumilipas ang panahon.

Nakapanayam ng manunulat na ito si Lucila Calayag, residente ng Barangay Pugad. Kasalukuyan nilang pinapa-taasan ang kanilang bahay. Isinalaysay niya na mas mahirap magpagawa at magpaayos ng bahay sa lugar nila kumpara sa kabayanan.

Ang mga materyales na gagamitin sa kanilang bahay ay isinasakay pa sa bangka, kung kaya naman paputol-putol ang paggawa sa bahay nila hindi tulad kapag nasa kapatagan. “Doble ang pagpapagawa ng bahay dito,” salaysay niya.

“Imbis na kunwari meron kang budget na 50,000 lang, magiging doble, kasi pati yung taong maghahakot, may bayad na din,” salaysay pa niya.   

Sa sitwasyon nila, wala silang pagpipilian kundi ang pataasan ang kanilang bahay dahil maaaring lamunin ulit ng karagatan ang Barangay Pugad sa panahon ng Bagyo. Kung kaya’t binubuno nila ang pagpapataas at pagpapaayos sa kanilang bahay.

“Pangarap din namin makatira sa kabayanan, kasi nga yung sitwasyon na rito pangit na talaga at mahirap, syempre wala pa naman kaming pagkukunan ng mabibili ng lupa, kaya dito na lang kami,” paliwanag niya.

Isa pang dahilan kung bakit hindi nila maiwanan ang lugar ay dahil sa ang bahay na kanilang tinitirahan ay pamana ng magulang ng kanyang mister sakanila kung kaya’t kahit paano ay napamahal na sila sa bahay.

Ngunit pangarap niya na sa kapatagan na lang sana manirahan ang kanilang mga anak upang hindi na nila maranasan ang hirap ng paninirahan sa Barangay Pugad.

“Sayang naman kung iiwan namin ito, hangga’t siguro kaya naming mamuhay dito, pero pangarap nga lang din namin sa mga anak namin na wag na dito tumira,” salaysay niya


Sa kanilang pangangalaga, patuloy na titindig ang kanilang bahay sa Barangay Pugad, gaya ng pagtindig ng buong Barangay sa gitna ng dagat. Kahit gaano kahirap ang magpaayos ng bahay ay patuloy pa din sila sa pagpapagawa nito, hangga’t sa matapos nila ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento